Ang Pilipinong Dayuhan sa Sariling Bansa


ANG PILIPINONG DAYUHAN SA SARILING BANSA 
 ni Dr. Nestor C. de Guzman 


 Saan nga ba sa mundo makakakita ng isang dayuhan sa sariling bansa? Meron ba? Nais kong ibahagi sa inyo kapwa ko Pinoy ang isang simpleng artikulo. Simple pero parang mahirap gawin ng karamihan sa atin, pero kung kakayanin, baka sakaling magawa. Hindi ito makukuha sa puro daldalan lang or walang kabuluhang pagtatalo, kumilos tayo, ngayon na. Madalas mangibang bansa ang mga Pilipino. 

Natural, kahit papaano, mag-iiba ang kanilang ikikilos. Sa ibang bansa, kapag sila ay nagkasala, pinarusahan sila ayon sa batas. Sa Pilipinas, kapag nagkasala ang Pinoy, ayaw niyang maparusahan kasi sabi niya mali raw ang bataw. Ang galing mangatwiran. Lalo na kung ang batas ay hindi positibo sa kanila. Sa ibang bansa, pinag-aaralan muna ng Pinoy ang mga batas bago siya pumunta roon, kasi takot siyang magkamali. 

 Sa Pilipinas, kapag nagkamali ang Pinoy, sorry kasi hindi raw niya alam na labag sa batas iyon. Kasi naman, hindi nga inaalam, at kahit alam na, kunwari hindi batid lalo na kung nahuli. Sa ibang bansa, kahit gaano katas ang bilihin at tax sa USA okey lang, katuwiran natin doble kayod na lang. Samantalang sa Pilipinas, kahit tripling kayod pa…ayaw magbayad ng tax. Pero ang lakas nilang ipagsigawan ang dapat gawin sa gobyerno sa kanila. Sa Pilipinas, mahilig ka sa last day para magbayad ng tax minsan dinadaya mo pa o kaya hindi ka nagbabayad. Rally ka kaagad kapag tumaas ang pasahe at bilihin, imbes na magsipag, mas gusto natin ang nagkukwentuhan lang sa munisipyo o kahit sa alinmang tanggapan. Sa Singapore, kapag nahuli kang nagkalat o nagtapon ng basura sa hindi tamang lugar, magbabayad ka ng 500 Singapore dollars. Sabi ng Pinoy, okey lang kasi lumabag ako sa batas. Korek! Saka wala sila sa sariling bansa. Sa Pilipinas, kapag nagkamali ang Pinoy katulad ng ganito, sabi ng Pinoy, ang lupit naman ni Bayani Fernando, mali naman ang pinaiiral niyang batas eh, akala mo kung sino siya. Ayun nag-rally na ang Pinoy, gustong patalsikin si Bayani Fernando kahit na alam niyang mali siya. Sa ibang bansa, hindi maidikit ng mga Pinoy ang bubblegum kahit saan o itapon man lang, takot silang mahuli at maparusahan. Sa Pilipinas, taos-puso pang idinidikit ng mga Pinoy ang bubblegum kahit saan, at madalas ay sa mga ilalim pa ng upuan o mesa. Tingnan mo ang kinauupuan mo ngayon o kaya ay damhin ng iyong palad, baka may makapa kang bubblegum ngayon. Kapag sila ay nahuli, sasabihin pa “TRIP LANG.” Sa ibang bansa, bawal manigarilyo sa loob ng mga pampublikong sasakyan. Ang mga Pinoy, sagrado ang pagsunod sa ganitong batas. Sa Pilipinas, nakadikit na nga sa loob ng sasakyan ang “Bawal Manigarilyo” ang drayber ng sasakyan ang walang hinto sa kakahithit ng sigarilyo. Parang naisip ko tuloy, maraming drayber ang hindi tumuntong ng Grade 1 at hindi marunong magbasa. Sa ibang bansa, kapag nakita ka ng drayber na lilipat sa tamang daan, kusa silang hihinto at padadaanin ka. Madidismaya nga lamang sila kapag hindi ka naman tumawid. Kaya kung wala kang balak tumawid, huwag kang lalapit sa tamang daanan dahil ganoon kabait ang mga drayber sa ibang bansa, pagbibigyan ka kahit nagmamadali sila. Sa Pilipinas, maraming tangang drayber o parang lahat yata ay may LBM, kasi nagmamadali, kahit may lumilipat na, mabilis pa rin ang pagtakbo ng mga sasakyan, hindi man hihinto kung hindi mo pa sila bibigyan ng senyales ng paghinto. Minsan, nakatawid kana sa kalahating daan, kailangan mo pang hintayin ang paghinto sa kabilang daan. Naalala ko tuloy noong isang araw, kailangan ko pang pumunta sa tamang tawiran para doon tumawid. Pinagtawanan ako ng aking mga kasama at sabi “bakit ka pa pumunta doon ang layo, pwede naming tumawid dito wala namang sasakyan.” Ang sagot ko sa kanila “kakaunti na nga lamang kaming sumusunod sa tama, mababawasan pa kami.” Bilang pagwawakas, alam kong marami sa inyo ang natatawa sa mga binanggit ko, marami sa inyo ang nakapag-reflect at marahil ay tinamaan kahit kaunti lamang. Mamaya, babaguhin ang sarili dahil may epekto pa ang mga sinabi ko. Pero ang tanong ko lang, hanggang kalian ang pagbabago? Bukas? Sa buong linggo? Isang buwan? Isang taon? O ngayon lang? Bakit ang Pinoy, puwedeng maging law abiding citizen sa ibang bansa nang walang angal pero sa sarili nating baying Pilipinas na sinasabi ninyong mahal natin, eh hindi natin magawa, bakit? PAGSUSURI SA KONTEMPORANEONG SANAYSAY Sinuri ni Annaly E. Langomez Ang Awtor Dr. Nestor C. de Castro Nagtuturo ng Filipino sa Philippine Normal University. Isa sa mga awtor ng “Pagbasa at Pagsulat Tungo sa Pananaliksik” (2007). Isa rin sa mga manunulat ng Panitikan Philippine Literature Portal/Likhaan at isa sa sikat niyang akda ay ang “Galing Cine Café” na isang gay poetry sa Filipino. Layunin ng May-Akda Upang maipamulat sa mga mambabasa ang mga maling gawi ng mga Filipino sa sariling bayan Tema o Paksa Tinatalakay ng sanaysay ang kaugalian ng mga tao sa lipunan. Uri ng Sanaysay Di-Pormal Istilo ng May-Akda Hayag ang mga wikang ginamit ng awtor at pahambing ang istilo upang mas maunawaan ng mambabasa. Bakit Maituturing na Kontemporaneong Panitikan? Maituturing itong kontemporaneong panitikan sapagkat naisulat ito sa kasalukuyang panahon at tumatalakay rin ang sanaysay na ito sa malinaw at makatotohanang pangyayari sa lipunan. Ang mga paksang nakapaloob sa akdang sanaysay na tinalakay ay pinag-uusapan sa kasalukuyang panahon at halos lahat ng mga Pilipino ay natatamaan sa lahat ng mga sinabi ng awtor--maaring natamaan nang direkta o hindi kaya'y may kakilalang ganoon at base sa obserbasyon. Ang Teoryang Inilapat: Teoryang Realismo Nagpapahayag ito ng pagtanggap sa katotohanan o realidad ng buhay. Ang layunin ng panitikan ay ipakita ang mga karanasan at nasaksiHan ng may-akda sa kanyang lipunan sa makatotohanang pamamaraan. Ipinaglalaban ng teoryang realismo ang katotohanan kaysa kagandahan. At ito ay nabibilang sa kritikal na realismo kung saan inilalarawan ang gawain ng isang lipunang burgis upang maipamalas ang mga aspektong may kapangitan at panlulupig nito (Teoryang Realismo, 2015). ISYU SA OFW Patunay: “Sa ibang bansa, kapag sila ay nagkasala, pinarusahan sila ayon sa batas. Sa Pilipinas, kapag nagkasala ang Pinoy, ayaw niyang maparusahan kasi sabi niya mali raw ang bataw. Ang galling mangatwiran. Lalo na kung ang batas ay hindi positibo sa kanila.” Paliwanag: Hindi maipagkakailang mangilang beses nang nangyari ang trahediyang ito sa mga OFW. Halos hindi na mabilang ang mga nabibitay sa ibang bansa sa tuwing nagkakasala. Pangyayari sa Kasalukuyan: Pinay OFW na si Jakatia Pawa binitay na sa Kuwait Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs na binitay sa Kuwait kaninang 3:19PM oras sa Pilipinas ang Pinay Overseas Filipino Worker (OFW) na si Jakatia Pawa. Sinabi ni DFA Spokesman Charles Jose na hindi nagkulang ang bansa sa pagbibigay ng tulong na legal sa nasabing OFW. Ipinaliwanag rin ni Jose na kahapon lamang ipinaalam sa Philippine Embassy ng mga prison officials sa Kuwait ang gagawing pagbitay kay Pawa ngayong araw. Nagsimula umano ang negosasyon para maisalba ang buhay ni Pawa noon pang panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Tatlong beses din umanong nagpunta sa Kuwait ang ilang mga kaanak ni Pawa kabilang na ang kanyang dalawang anak kung saan pinakahuli dito ay naganap noong Oktubre, 2016. Kaninang uamaga ay binigyan ng pagkakataon si Pawa na tumawag sa kanyang mga kaanak sa Pilipinas para magpaalam. Noong May 14, 2007 ay hinuli ng mga pulis sa Kuwait si Pawa makaraan umano niyang patayin sa pamamagitan ng pananaksak ang 22-anyos na anak na babae ng kanyang employer. Umabot sa dalawampu’t walong tama ng saksak ang tinamo ng biktima na naging dahilan ng kanyang kamatayan. Noong 2007 ay hinatulan ng parusang kamatayan si Pawa ng Court of First Instance ng Kuwait na pinagtibay naman ng kanilang Court of Cassation noong April 13, 2008. Sinabi ni Pawa sa kanyang argumento na hindi nakita sa crime scene ang kanyang finger prints at hindi rin tumugma sa kanyang blood type ang sinasabing patay ng dugo na ipinapalagay na galing sa suspek sa krimen. Sa kanyang pahayag sa hukuman kanyang idinetalye na ang kanyang babaeng employer ang nakapatay sa sarili nitong anak na babae makaraang mahuli na nakikipagtalik sa kanyang kasintahan. Dahil naman sa tradisyon ng Islam, sinabi ni Jose na sa Kuwait na ililibing ang mga labi ni Pawa. (Macaranas, 2017) Mula sa GMA News Online Ilang OFW na ba simula noon ang ginahasa, pinagsamantalahan, o pinatay ng kanilang mga amo? Ilang OFW na ba ng nadamay sa mga kaguluhan sa ibang bansa? Ilang OFW na ba ang naparusahan o nabitay dahil wala silang proteksyon o karapatan sa isang bansang hindi kanila? Noong Dekada 1990s hindi natin malilimutan ang nangyari kay Flor Contemplacion, ina sa apat na anak, taga San Pablo, Laguna. Dahil sa kahirapan kaya tumungo sa Singapore upang maging domestic helper. Nang malamang uuwi ang kanyang kaibigan na si Delia Maga, binisita niya ito noong May 4, 1991 upang magpadala ng mga pasalubong para sa pamilya sa Pilipinas. Matapos ang pagbisita, natagpuang patay si Delia at ang alaga nitong si Nicholas Huang. Hinuli si Flor, ikinulong at pinahirapan diumano sa Changi Prison, at napatunayan ng mga korte ng Singapore na nagkasala. KAMANGMANGAN SA SARILING BATAS Patunay: “Sa Pilipinas, kapag nagkamali ang Pinoy, sorry kasi hindi raw niya alam na labag sa batas iyon.” Paliwanag: Mula sa Aksyon News Pito sa sampung Filipino raw ay walang alam sa ating saligang batas ayon iyan mismo kay dating Solicitor-General Atty. Florin Hilbay kaya nga mas nakatatakot na talakayin sa taong bayan ang tungkol sa charter change kung hindi naman nila alam kung ano ang babaguhin. Ayon kay Hilbay, 73 persyento ng mga Filipino ang hindi alam kung ano ang Philippine constitusiyon, ano pa kaya kung tatalakayin mo sa kanila ang federelismo. Sinegundahan naman ng dating Supreme Court Chief Justice na si Hilalrio Davide Jr. ang sabi niyang 27 porsiyento lamang sa mga Filipino ang nakakaalam sa batas. (News5Everywhere, 2018) REKLAMADOR Patunay: “Sa Pilipinas, mahilig ka sa last day para magbayad ng tax minsan dinadaya mo pa o kaya hindi ka nagbabayad. Rally ka kaagad kapag tumaas ang pasahe at bilihin, imbes na magsipag, mas gusto natin ang nagkukwentuhan lang sa munisipyo o kahit sa alinmang tanggapan.” Paliwanag: Alam nating patuloy ang iba’t ibang nagaganap na rally sa ating bansa sa tuwing tataas ang singil ng buwis ang mga presiyo ng bilihin na imbes na makiayon at sumunod na lamang upang sa ikabubuti ng lahat ay mas gusto ng mga Filipino ang magreklamo. Hal: “Itigil ang TRAIN! Signature campaign laban sa TRAIN law inilunsad” Ang rally na ito ay ginanap noong May 22, 2018 ayon sa GMA News Online. “Activists protest low wages in the Philippines” January 28, 2019 Paliwanag: HALA BIRA! ni Danny Macabuhay Malaki ang pagkakaiba ng Pinoy at Kano sa pagbabayad ng kanilang income tax. Dito sa Amerika, naghahanda nang mag-file ng kanilang income tax ang mga tao. Iniipon na nila ang lahat ng mga papeles na dapat isama sa mga kinakailangan sa Internal Revenue Service. Ngayong Enero ay puwede na silang mag-submit ng kanilang income tax hanggang katapusan ng Abril. Maraming Pinoy ang hindi nakaaalam na ang karamihan sa mga nagpa-file ng income tax dito sa US ay may natatanggap na refund ilang linggo matapos makapag- submit ng kanilang income tax. Depende ang halaga ng refund sa income tax na sinab¬mit. Karamihan ay malaki ang natatanggap at gnagamit nilang pang-shopping ng mga mahahalagang kagamitan sa bahay o pang-bakasyon sa Pilipinas o ibang lugar. Ika nga, ang refund ay parang savings na kinakaltas sa kanilang kinikita tuwing suweldo. Ang tawag ng iba rito ay forced savings na tinatanggap nila taun-taon. Hindi ganitong sistema ang ginagawa sa Pilipinas. Kasi, takot ang mga mamamayan na magbayad ng taxes sa gobyerno sapagkat alam nilang hindi naman sa gobyerno napupunta ang mga ito kundi sa bulsa ng mga opisyal. Ang iba ay napipilitan lamang na magbayad ng taxes subalit hindi pa rin tama ang ibinabayad dahil alam nila na hindi sa ikauunlad ng bayan at mamamayan gagamitin ang binayad na tax. Ayaw ko mang ihambing ang Pilipinas sa Amerika subalit talagang napakalaki ang pagkakaiba ng dalawang bansa. Matagal nang namamayagpag ang graft and corruption sa Pilipinas. Sa halip na mabawasan, lumalala pa ang kalagayan. Tingin ko, hindi na yata makararanas ang mamamayan ng magagandang pangyayari sa kanilang buhay tulad ng income tax refund. Kung nag-babayad sila ng tamang taxes, marami rin silang benepisyo. Gaganda ang kanilang kabuhayan, mga kalsada at kapaligiran. (Macabuhay, 2009) KAWALAN NG DISIPLINA Patunay: “Sa Pilipinas, taos-puso pang idinidikit ng mga Pinoy ang bubblegum kahit saan, at madalas ay sa mga ilalim pa ng upuan o mesa. Tingnan mo ang kinauupuan mo ngayon o kaya ay damhin ng iyong palad, baka may makapa kang bubblegum ngayon. Kapag sila ay nahuli, sasabihin pa ‘trip lang.’” Paliwanag: Kawalang-disiplina Patuloy ni Danilo Garcia (Pilipino Star Ngayon) MANILA, Philippines – Patuloy pa rin ang kawalang-disiplina ng mga Pilipino lalo na ng mga taga-Metro Manila makaraang umakyat ang bilang ng mga nahuhuli ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa iba’t-ibang paglabag sa kalsada. Sa datos ng MMDA Operations Division, nitong nakalipas na linggo mula Oktubre 15-22, aabot sa 252 illegal vendors ang nawalis ng Sidewalk Clearing at Metro Parkway Group ng ahensya sa mga Mabuhay Lanes. Tumulong rin ang MMDA sa pagtanggal sa 33 iligal na istruktura at bahay na parang kabute na agad na nagsulputan sa gilid ng bagong gawang C3 Extension sa Caloocan City katuwang ang Urban Poor Affairs Office at Department of Public Works and Highways. Bukod dito, nakapagtala rin ng 664 na nahuli sa ipinatutupad na ‘anti-jaywalking campaign’; habang nasa 1,633 ang nahuli naman sa ‘anti-littering campaign’. Sa kampanya kontra illegal parking, nasa 209 behikulo ang na-tow ng ahensya sa loob ng isang linggo habang 156 tsuper ang natikitan dahil sa patuloy na pagparada sa mga gilid ng kalsada na ipinagbabawal ng pamahalaan. (Garcia, 2016) Paliwanag: Metro nalunod sa dagat ng basura dahil kay DPWH-Villar ni Aries Cano Kumbinsido ang ilang kongresista na ang napag-iiwanang mga proyekto ng tanggapan ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar ang isa sa mga dahilan ng matinding pagbaha at pagragasa ng mga basura sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan. Halos walang ti¬gil ang pag-uulan mula pa noong Sabado hanggang kahapon bunsod ng habagat na pinalakas pa ng bagyong ‘Karding’. Nauna nang iniulat ng Commission on Audit (COA) na nakabi¬tin at hindi pa natatapos ang maraming proyekto ng DPWH. Kabilang sa mga ito, batay sa COA report, ang 622 flood control infrastructure; 879 school building; 100 farm-to-market roads at 733 iba pang impraistraktura katulad ng mga kalsada at tulay. Sa 2017 Annual Audit Report sa DPWH, kabilang sa mga sinita ng COA ang mga sumusunod: *2,334 na mga proyektong nagkakahalaga ng P62 bilyon pero hindi natapos sa takdang contract time. *135 na sinuspendeng mga proyekto na nagkakahalaga ng P6 bilyon. *15 terminated pro¬ject, nagkakahalaga ng P2 bilyon. *815 na mga proyektong hindi naipatupad, nagkakahalaga ng P2 bilyon. Naniniwala si Quezon City Rep. Winston Castelo, chairman ng House committee on Metro Manila development, na konektado ang mga pagbaha sa hindi matapos-tapos na mga proyekto ng DPWH kaya nararapat lamang aniya na maimbestigahan ito. Kinakailangan ani¬yang malinawan ang dahilan ng pagtitipid ng DPWH at hindi binuhusan ng pondo ang mga kinakailangang proyekto. “Tama (‘yung pagbaha may kinalaman sa delay na proyekto ng DPWH). Underspending uli,” komento ni Castelo. “Kailangang malaman natin bakit hindi nagamit ang mga pondo na inilaan ng Kongreso. Paiimbestigahan natin,” dagdag ni Castelo. Para kay Akbayan Party-list Rep. Tom Villarin, nabigo ang DPWH na makumpleto at maisakatuparan ang mahahalagang proyekto na pangontra sa baha bago sumapit ang tag-ulan. “The DPWH has been remiss of its mandate to provide timely and efficient flood control projects before the onset of the rainy season,” ani Villarin. Wala rin ani¬yang koordinasyon ang DPWH at iba pang ahensiya gaya ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ga¬yundin ang mga lokal na pamahalaan na nagpalala lalo sa problema ng pagbaha. Kaya naman dapat aniyang matauhan ang Department of Bud¬get and Management (DBM) at irekonsidera ang pagpapatupad ng cash-based budgeting sa 2019 national budget. Sa ilalim kasi ng cash-based budgeting, ang mga proyekto at programa ng mga ahensiya ng gobyerno na paglalaanan ng pambansang pondo ay dapat matapos lamang sa loob ng isang taon. “With bureaucra¬tic delays caused by the shift to cash-based bud¬geting, it further complicated the situation,” sabi ni Villarin. Ayon naman kay Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe, tagapangulo ng Party-list Coalition, hindi lamang ang kapalpakan ng mga ahensiya ng gobyerno ang dapat panggigilan sa problema ng pagbaha. Kasama rin aniya sa nagpatindi ng problema ang mga pasaway na kababayan. Kung mawawala aniya ang mga pasaway na nagkakalat ng basura ay malaking tulong ito upang maibsan ang problema sa pagbaha na may kasamang kadugyutan. “Walang kaduda-¬duda na isa sa mga sanhi ng pagbaha ay ang walang pakundangang pagtatapon ng basura ng mga balahurang pasaway. Dapat may mga kampanya simula sa mga barangay na matutong magtapon ng ba¬sura at mawala ang mga pasaway na ito sa mga barangay,” pagpupunto ni Batocabe. Samantala, tinext at tinawagan ang kampo ni Villar hinggil sa isyu pero wala pa itong reply at hindi sumasagot sa mga tawag para magbigay ng kanilang panig. Batay sa monitoring ng Manila Observatory, sa Brgy. Holy Spirit sa Quezon City nakapagtala ng matinding buhos ng ulan sa loob ng nakalipas na 24 oras noong Sabado na umabot ng 236 millimeters. Kasunod ang San Mateo, Rizal na nakapagtala ng 220mm at Brgy. Nangka sa Marikina City, 215mm. (Cano, 2018) PANINIGARILYO NG MGA DRAYBER Patunay: “Sa Pilipinas, maraming tangang drayber o parang lahat yata ay may LBM, kasi nagmamadali, kahit may lumilipat na, mabilis pa rin ang pagtakbo ng mga sasakyan, hindi man hihinto kung hindi mo pa sila bibigyan ng senyales ng paghinto. Minsan, nakatawid kana sa kalahating daan, kailangan mo pang hintayin ang paghinto sa kabilang daan.” Paliwanag: Prangkisa Nakataya sa Yosi Sususpendihin na rin ang prangkisa ng public utility vehicles (PUVs) na mahuhuling lalabag sa anti-smoking law partikular ang mga tsuper nito na mahuhuling naninigarilyo habang pumapasada.Paglilinaw ito ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA). Ayon kay MMDA Assistant General Manager Emerson (Prangkisa Nakataya Sa Yosi, 2012). JAYWALKING Patunay: “Naalala ko tuloy noong isang araw, kailangan ko pang pumunta sa tamang tawiran para doon tumawid. Pinagtawanan ako ng aking mga kasama at sabi ‘bakit ka pa pumunta doon ang layo, pwede namang tumawid dito wala namang sasakyan.’” Paliwanag: Makikita naman sa mga larawan kung gaano kawalang disiplina ang mga tao pagdating sa kalsada. Walang binatbat ang mga slogan o mga babala sa gilid ng kalsada na para bang hindi sila marunong magbasa. Kahit pa nasama na ito sa batas at nagkakamulta ang nahuhuli ay hindi pa rin patitinag sa katigasan ng ulo ang mga Pinoy. Only in the Philippines. Sa pagtatapos ng aming pag-uulat nais lang namin tanungin ang mga kapwa naming kamag-aral dito sa silid na ito na nagmula lang din sa sanaysay na binasa. “Bakit ang Pinoy, puwedeng maging law abiding citizen sa ibang bansa nang walang angal pero sa sarili nating bayang Pilipinas na sinasabi ninyong mahal natin, eh hindi natin magawa, bakit?” REPERENSIYA (2018, April 13). Retrieved from News5Everywhere: https://www.youtube.com/watch?v=VQt4MFt3hv8 Cano, A. (2018, August 12). Metro nalunod sa dagat ng basura dahil kay DPWH-Villar. Retrieved from Abante: https://www.abante.com.ph/metro-nalunod-sa-dagat-ng-basura-dahil-kay-dpwh-villar.htm Garcia, D. (2016, October 24). Pilipino Star Ngayon. Retrieved from Philstar.com: https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/bansa/2016/10/24/1636189/kawalang-disiplina-patuloy Macabuhay, D. (2009, February 10). Pagkakaiba ng Pinoy at Kano sa Pagbabayad ng Income Tax. Retrieved from Philstar.com: https://www.philstar.com/opinyon/2009/02/10/438550/pagkakaiba-ng-pinoy-kano-sa-pagbabayad-ng-income-tax#i8SUkABdYkm2H2wj.99 Macaranas, D. (2017, January 25). Pinay OFW na Si Jakatia Pawa Pinatay sa Kuwait. Retrieved from Radio Inquirer.net: https://radyo.inquirer.net/56919/pinay-ofw-na-si-jakatia-pawa-binitay-na-sa-kuwait#ixzz5hOF3KNkp Prangkisa Nakataya Sa Yosi. (2012, February 20). Retrieved from WN.com: https://article.wn.com/view/2013/02/20/prangkisa_nakataya_sa_yosi/ Teoryang Realismo. (2015, October 08). Retrieved from Donamaylibo: https://donamaylimbo.wordpress.com/2015/10/08/teoryang-realismo/

Comments

Popular posts from this blog

Lasa ng Pag-ibig ni Annaly E. Langomez