Lasa ng Pag-ibig ni Annaly E. Langomez
Lasa ng Pag-ibig
Isinulat ni Annaly E. Langomez
MALAPIT nang tuluyang balutin ng dilim ang kaunting liwanag sa paligid ngunit hindi pa rin tapos si Keemaia sa paglilinis ng buong bahay.
Pinaandar niya ang ilaw para mas maaninag nang maayos ang mga amag sa paligid. Umaambon man sa labas hindi maikakailang pinagpapawisan pa rin siya. Huli niyang pinakialaman ang isang kahong naglalaman ng mga lumang alaala niya. Pinagpagan niya ang mga nakikitang gamit, halos mga liham at keychains ang nasa loob. Naagaw ang atensyon ni Keemia nang mapansin ang isang kuwardeno at sandaling napatigil dahil dito.
Hindi siya nag-atubiling buksan at basahin ang nilalaman ng k'waderno't napagtantong diary pala ito no'ng nasa kolehiyo pa siya.
Napangiti siya dahil sa mga nababasa na halata namang mga kasabihan ang mga nakasulat sa bagay na iyon kaya siya naupo muna sandali upang mabasa ang isang nakakaagaw pansing sinulat niya.
MARAMING nagsasabing ang pag-ibig ay parang bubblegum, magugulilat ka kapag dumikit sa iyo. Kasi ang hirap nitong alisin lalo na kung hinayaan mong kumapit o pinatagal mo.
Tulad ng bubblegum ang pag-ibig ay malasa, manamis-namis, mapait, may pagkamaalat, medyo maasim, basta hindi mo mawari kung ano ba talaga ang tunay mong nalalasahan basta halos mabaliw ka na lang sa sayang nadarama na pinaghalong kilig.
Tulad rin nito, ang pag-ibig ay makulay.. Maraming baryasyon ng kulay isa na roon ang pula na simbolo ng pagmamahalan, kahel para sa asim na nakakakilig, puti para sa pag-iibigang wagas. Hindi rin mawawala ang kulay-abo na nagsisimbolo ng pag-aalinlangan kung siya na ba talaga ngunit naroon naman ang luntian na siyang nagbibigay ng pag-asa sa inyong pagsasama.
Oo, naalala ko noong una ko pa siyang makilala, wala akong ibang makita kundi positibo sa buhay. Hindi ko napansin ang bughaw, kulay-lila at itim na purong may hindi mabuting simbolo dahil nakapukos lang ako sa magagandang nangyayari't mga maliwanag na kulay.
Lahat ng katangian niya ay maihahalintulad ko sa isang pakete ng bubblegum, nakakalito ang tunay nitong lasa ngunit nangingibabaw ang tamis! Meron ding iba't ibang hugis na masasabi kong tinataglay niya. Lahat ng gusto ko sa isang lalaki nasa kanya! Mabait, may talento pagdating sa musika, mapagmahal na anak sa magulang, matalino, guwapo at higit sa lahat nirerespito ako.
Tulad ng aking bukambibig, ang pag-ibig ay matamis. Waring lagi kang nakapapak ng asukal at tsokolate sa sobrang sarap ng epekto nito, ayaw mong maubos at bitiwan.
July 21, 2010
"Matagal pa ba tayo rito, Ash? Ano ba kasi ang ipapakita mo?" reklamo ko sa kaibigan habang nakapiring ang aking mga mata. Wala akong ideya kung anong ang nangyayari sa paligid, ito namang bestfriend kong si Ashie ang daming alam na kaartehan sa mundo.
Narinig ko ang kanyang mga halhal na animo'y isang parusa para sa kanya ang magpigil ng tawa.
"Ano ka ba naman, Kee. Be patient, malapit na 'tong ginagawa ko," paliwanag niya.
"Siguraduhin mong matutuwa ako riyan sa ginagawa mong 'yan, ha. Kung hindi, friendship over!" biro ko sa kanya
Naramdaman kong tinanggal niya ang panyong nakapiring sa aking mga mata na siyang napakurap-kurap sa akin nang imulat ko ito dahil sa silahis ng araw na bumungad sa akin.
Nang maninaw ko ang paligid, napangiti ako nang malapad sa aking nakikita at napakagat labi pa upang pigilan ang sariling tumili.
Napakaganda nang aking nakikita! Maraming petals ng rosas ang nagkalat sa paligid.
Hinayaan kong maglakbay ang aking paningin at labis akong natuwa sa ganda ngunit biglang nawala ang ngiti ko nang mapansin kong wala pala si Ashie sa aking tabi.
"Ash? Nasaan ka?"
May narinig na naman akong hagikhik mula sa likuran at hindi lamang sa isang tao nagmula sigurado ako ro'n sapagkat ito'y iba't ibang tunog.
Bago pa ako lumingon sa direksyon kung saan nagmula ang tinig ng aking kaibigan, nagsalita na siya. "Nandito ako sa likod mo!"
Paglingon ko sa kanya halos makalimutang tumibok ng puso sa gulat nang sabay-sabay silang sumigaw ng, "Happy Monthsary, Babe!"
Napatalon ako sa gulat dahil hindi ko talaga inaasahan iyon, basta bigla lang silang lumitaw.
Mabilis sumagi sa diwa ko na first monthsary pala namin ni Sam. Sa pagkatataong iyon, hindi ko na talaga napigilan ang pagpinta nang malapad na ngiti sa aking mga labi.
"Mga lokaret kayo, anong kalokohan 'to?"
Halakhak ang isinagot nila sa tanong ko kaya hindi naiwasang mag-abot ng magkabilang kilay ko lalo na't sa ilang sandali'y nagsimula silang kumanta.
"'Di ko maintindihan ang nilalaman ng puso. Tuwing magkahawak ang ating kamay, pinapanalangin lagi tayong magkasama." Inaarte pa nila iyong lyrics ng kanta kaya mas lalo ko itong narama!
"Hinihiling bawat oras kapiling ka.."
Isang himig na nagawang akong magbalik-tanaw sa mga maliligayang araw namin ni Sam.
'Yong araw na una ko siyang napansin dahil sa pagiging aktibo niya sa klase kahit sa math subject lang kami magkaklase.
"Sa lahat ng aking ginagawa, ikaw lamang ang nasa isip ko sinta."
Mga panahong nanliligaw siya sa 'kin at lagi ako pinapadalhan ng letters with flowers at minsa'y sa bahay siya nanghaharana kaya pati loob ng magulang ko'y naangkin niya.
Mga alaalang nilalambing niya ako sa tuwing nagtatampo at ginagawa't binibili ang lahat ng nanaisin ko.
"Sana'y 'di na tayo magkahiwalay kahit kailan pa man." 🎶
'Yong mga pagkatataong umuusok ang ilong ko sa galit ngunit yayakapin niya kahit hindi naman para sa kanya pero siya pa rin ang manghihingi ng tawad.
Ang mga minsan sa buhay na lagi niyang pinaparamdam sa aking hindi ko lang siya kasintahan kundi matalik ko siyang kaibigan na maaring masasandalan anumang oras.
Napatigil ako sa pagbabalik-tanaw at muling napaharap sa realidad nang marinig ko ang boses ni Sam na mag-isa na lang kumakanta.
Napatitig ako direksyon niya't napakagat sa aking ibabang labi habang marahan siyang naglalakad patungo sa direksyon ko. Siya ang tumutugtog sa gitara kaya naman napakapulido ng musika, masarap sa tainga at malinis ang pagkakuskos.
Hindi ko alam kung bakit pero parang marami akong nakikitang kislap sa paligid at hindi maintindihan ang silakbo ng aking damdamin. Parang nasa isang palabas akong pantasya o hindi kaya sa isang anime kung saan naghuhugis puso ang aking mga mata habang nangingisay sa kilig bagama't minamasdan siya.
Dinaramdam ko ang bawat salitang lumalabas sa bibig niya habang siya'y kumakanta.
"Ikaw lamang ang aking minamahal. Ikaw lamang ang tangi kong inaasam."
Hindi ko na napansing magkalapit na pala kami sa isa't isa na animo'y isang pulgada na lang maglalapat na ang aming mga labi. Sapagkat ang tanging nasisiguro ko'y naglalagablab sa init ang aming mga titig.
"Makapiling ka habang buhay, ikaw lamang sinta. Wala na akong hihingiin pa.. wala na. ohhh," nakangiting kanta niya saka hinalikan ang noo ko at ako nama'y napapikit sa halik na iyon.
pagkatapos ay agad ko siyang niyakap habang gumuguhit pa rin ang abot langit na ngiti dahil sa saya at kilig na aking nadarama. Higit sa langit ang aking pasasalamat dahil siya na nga ang matagal ko nang inaasam.
Hindi ko na masyadong maalala ang mga pangyayari basta narinig ko ang hiyawan nila..
NAPAKAGAT labi si Keemaia dahil sa binabasa. Gusto niyang mangisay sa kilig habang gumagana ang kanyang imahinasyon at naalala ang lahat nang pangyayaring iyon. Gumalaw rin ang tiyan niyang animo'y napapakilig din sa nabasa.
Napatingin siya sa oras at nataranta dahil mag-a-alas-sais na pala hindi pa siya nakaluto.
Itinabi niya muna ang kwadernong binabasa at nagtungo sa kusina upang magluto ng hapunan. Mabilis siyang nagluto sapagkat nasasabik siyang basahin pa ang mga nakasulat sa kwardernong iyon.
Pagkatapos niyang magluto ay kinuha ulit ang kwaderno at naupo sa sofa upang magbasa.
PERO tulad ng bubblegum ang matamis na lasa ng pag-ibig ay nauubos din. Sa umpisa lang pala ito makulay, matamis at masarap pero magsasawa ka lang din naman pala kalaunan. Tulad kasi nito, ang pag-ibig ay mayroong hangganan.
Ganoon kami noon, sobrang makulay ng aming pag-iibigan. Akala ko siya na ang una at huling taong iibigin ko pero hindi pala. Nagkamali ako dahil tulad nang nabanggit, mawawalan ka nang ganang magpatuloy sa paghahanap ng dating tamis nito.
February 13, 2012
"Sinungaling ka, I texted you last night! Ang sabi mo nakatulog ka iyon pala nasa inuman kayo ng barkada mo!" Umiiyak ako habang sinusumbat sa kanya ang kasinungalingan niya. Ilang beses na niya itong ginawa sa akin. Pinagbabawalan ko siyang sumama sa barkada niya kasi malalasing na naman at kung sino-sinong babae lang mga nakakasama niya.
Pinipilit niya akong yakapin pero tinutulak ko siya papalayo.
"Babe, let me explain. I'm sorry." Halos maiyak na rin siya pero ayaw kong tumingin sa kaniya baka madali na naman ako't maniwala sa mga paawa niya.
Simula no'ng napatigil siya sa pag-aaral dahil namatay ang kanyang ina sanhi nang matinding karamdaman, nasira na rin ang kanyang buhay. Kasama niyang ibinaon sa hukay ang kanyang mga pangarap. Nawala iyong Sam na nakilala't minahal ko nang lubos at napalitan ng ibang tao.
Hindi ko namamalayang patuloy pala sa pag-agos ang aking mga luha kaya't pinunasan ko ito gamit ang aking nanlalamig na palad.
"Kee, h'wag ka namang ganyan. Hindi mo na ba ako pinapaniwalaan ngayon?" nagpapaawang tanong ni Sam sa akin habang sinusubukang kunin tingin ang ko.
"Gu-gusto kong maniwala sa iyo.. pero.." Hindi ko na natapos ang nais sabihin dahil naunahan akong humagulgol sapagkat naalala kong kahapon lang may pumuntang babae ritong nagsabing buntis siya at si Sam ang ama. Hindi ako makapaniwalang ginawa ni Sam sa akin iyon... hindi niya magagawang lokohin at pagtaksilan ako pero babae na mismo ang nagsabi't sigurado ito.
Napansin ko na lang niyayakap niya pala ako.
"Ikaw na lang ang meron ako, please. Don't give up on me," bulong niya.
Parang sasabog ang puso ko sa bigat at sakit. Gusto kong kumapit sa relasyon namin pero hindi na ito magiging tulad ng dati.
Tinulak ko siya at tumalikod ako,
"I'm breaking up with you!" singhal ko sa kanya saka mabilis tumalikod.
"Kee, 'wag mong gawin sa akin ito. Alam mo naman na mahal na mahal kita, hindi ko kayang mawala ka."
Ang boses niya'y nagmamakaawa, gusto kong lumingon sa kanya at yakapin siya pero sapat nang malaman niyang hindi kami para sa isa't isa..
"Paano si Gabriella? Nabuntis mo siya 'di ba?" sumbat kong sinubukang ayusin ang pananalita kahit patuloy na pumapanaog ang mga luha.
Lumuhod siya sa aking likuran at niyakap ang magkabila kong binti. "Hindi ko siya binuntis! Hindi ako ang ama no'n! Huwag mo siyang paniwalaan, ako paniwalaan mo. Alam mo namang may gusto sa akin iyon pero ikaw ang mahal ko."
"Wala na akong tiwala sa iyo Sam, naubos na."
Inalis ko ang kanyang mga kamay na nakapulupot sa akin tapos humakbang papasok at isinara ang gate.
Naiwan siya roon sa labas at dinig na dinig ko ang hagulgol niya. Habang napapasandal ako sa likod ng gate at napasasabunot sa aking sarili sa galit at sakit.
Ganoon naman talaga hindi ba? Lahat ng bagay natatapos. Hindi basehan kung paano nagsimula at kung gaano ito kasaya kundi kung paano ito tinapos. Ito na nga, ang lahat ng saya'y hinigitan pa ng kirot na aking nadarama.
Siguro panahon na para itapon ang bubblegum na aking ningunguya.
Wala na itong tamis, wala na rin ang dating kulay at higit sa lahat wala na itong silbi. Panahon na para sa panibagong bubblegum tungo sa panibagong simula.
PINAHID ni Keemaia ang mga luhang kumawala sa kanyang mga mata. Hindi niya lubos akalaing makasusulat siya nang ganoong hugot sa buhay pero kahit na ganoon, hindi niya naiwasang mapangiti dahil napakadrama nang isinulat niya noong naghiwalay sila ni Sam.
Napabuntong-hininga siya't tatayo na sana upang ihanda ang hapag-kainan dahil ilang sandali na lang ay uuwi na ang kanyang asawa ngunit may biglang kumatok sa pinto.
Dali-dali niyang pinagbuksan kung sino at puminta ang malapad na ngiti sa kanyang mga labi dahil asawa na nga niya ito.
Sandali pa silang nagkangitian. Nagmistulang isang taon nang hindi nagkikita ang dalawa dahil sa pananabik na kanilang nadarama. "Welcome home, hubby kong Sam!" nakangiting sabi niya saka niyakap ang asawa.
"Na-miss ko ang asawa kong ito. Nako, ang bango pa." Saka napahawak sa tiyan ng asawa, "Hello baby, Daddy's home! Kumusta ang araw mo?"
"Magdahan ka, baka biglang sumagot iya't himatayin ka sa gulat." At nagtawanan silang pareho.
Pumasok na sila't naghapunan, masaya ang kanilang pagsasama.
Ngayon ay buwan ng Agosto taong 2017 kung saan ang dalawang magkasintahan ay nagkapatawaran, nauwi sa kasalan at ito na nga sila ngayon.. ganap nang mag-asawa't magkakaanak na.
Kaya natuwa si Keemaia sa mga isinulat niya sa kwadernong iyon dahil napakabaligtad at mali ang kanyang paniniwala noon.
Hindi porket nagbago ang lahat na hindi singtamis ng kanilang pagsasama no'ng una ay susuko na siya't mawalan ng gana. Nakuha pa niyang ikumpara ang pag-ibig sa isang bagay gayong hindi naman talaga ganoon ang tunay na pagmamahalan.
Dahil ang lasa ng pag-ibig ay hindi kailanman maikukumpara sa bubblegum na panandalian lang ang tamis, asim, alat at sarap kundi isa itong emosyon o damdamin na hindi kailanman magiging sapat kung ihahambing lang natin sa mga bagay. Ang lasa ng pag-ibig ay misteryoso pero damang-dama natin ito.
Hindi tunay na pag-ibig kapag positibong anyo lang nito ang natatanggap mo sapagkat 'pag mahal mo, tanggap mo kahit pa sa pinakamaliit na dumi sa dulo ng kanyang kuko.
WAKAS
Comments
Post a Comment